Thursday, November 25, 2010

PAGBABAGO

Lumaki ako sa Tondo. Doon ko inilagi ang labing pito at kalahating taon ng buhay ko. Nandoon ang mga kaibigan ko, ang pamilya ko, ang buhay na kinagisnan ko. Nandun silang lahat.

Dumating yung panahon na kailangan kong umalis. Hindi sinasadya. Hindi nakaplano. Magulo ang isip ko noon. Di ko alam kung saan ako pupunta, di ko alam kung sino ang lalapitan. Iniwan ko ang Tundo na kakaunti lamang sa mga kakilala ko ang nakakaalam. Pumunta ako sa lugar na kung saan, ibang iba sa mundong kilala ko. Walang nakakakilala sa akin bukod sa tatay ko. Ang hirap. Gusto kong bumalik. Kaso kailangan kong pangatawanan ang desisyon kong umalis… lumayo.


Doon ko nalaman na dapat, sa buhay ng tao, laging may puwang para sa pagbabago. Hindi pwedeng wala. Bakit? Ang mundo ay punong puno nito, kapag di ka marunong sumabay, mapag-iiwanan ka. Maraming uri ng pagbabago. Darating ito sa buhay natin minsan, napaghandaan, minsan, di inaasahan.

NAGBABAGO ANG PANAHON. Nagbabago ang oras. Kung ano ka ngayon, iba na sa ikaw mamaya. Walang taong nananatiling ganun pa din sa bawat patak ng oras sa buhay nya. Kaya dapat, ingatan ang oras, huwag matakot na sumugal. Huwag nating alalahanin ang mga pagkakamali at pagkabigo natin, ang alalahanin natin ay yung mga pagkakataong ibinigay sa atin pero hindi man lang natin sinubukan dahil takot tayo. Tandaan, umiikot ang mundo, ung kanina, hindi na natin maibabalik.

NAGBABAGO ANG TAO. Totoo. Nakakainis yung mga taong kapag tinanong mo kung kumusta na sila eh ang isasagot ganito, “ganun pa din” at “walang pagbabago”. Nagbabago ako. Nagbabago ka. Nagbabago ang bawat isa sa atin. Hindi natin pwedeng asahan ang isang taong kilala mo noon ay mananatiling siya hanggang ngayon. Bawat araw ng buhay natin, gumagawa na tayo ng mga bagay na makakapagbago, hindi man natin nararamdaman, sa mundo, sa lipunan, sa buhay ng kapwa natin at sa sarili nating buhay.

Ang bigat para sa akin ng araw na ito. Marami kasing nangyaring pagbabago. Hindi inaasahan. Pero kailangan tanggapin. Walang magagawa kundi sumabay sa bagong agos ng ilog na binabaybay. Mahirap tumaliwas, ang hirap iwasan. Kapag hindi ka sumabay sa agos, mawawala ka, baka mahulog ka pa sa bangkang sinasakyan mo.

Isa lang ang alam kong hindi magbabago. Ito ay ang katotohanang mahal ako ng Diyos. Kahit anong mangyari. Hindi naman siya nangako ng masayang buhay para sa atin eh, ang ipinangako niya, na kahit anong pagbabago pa ang mangyari sa buhay natin, mananatili siyang kasama natin. Sa bawat pagbagsak at pagbangong muli. Sa pag-alis ng mga taong minahal at sa pagkilala ng mga bagong makakasama. Sa pagtawa at pag-iyak. Sa mga kabiguan at tagumpay. Lagi siyang nariyan. Hindi nang-iiwan.

Huwag lang nating hayaan na sa bawat pagbabago sa buhay natin ay wala tayong matutunan. Napakayaman ng mundo sa mga kaalaman na maaaring gamitin sa ating buhay. Huwag nating sayangin.

No comments:

Post a Comment