Thursday, November 25, 2010

HULI NA (Isang Kwentong Maiibigan)

Ako si Alex. Yun lang. Wala namang so very special thing about me eh. Kaya yan lang ang pwede kong sabihin. Feeling ko, ako ang hari, anito at alamat ng mga malas sa mundo. Kahit na sinasabi nila na nasa akin naman na daw ang lahat, hindi pa rin ako kumbinsido. Hindi ko pa rin matanggap na maraming tao ang nagsasabi sa akin na napakaswerte ko daw. Napakaraming chances sa buhay ko na hindi ko man lang sinubukan. 

Naalala ko tuloy ang nangyari sa akin mga ilang taon na ang lumipas, malinaw pa sa aking isipan ang mga bagay na nangyari nung panahong iyon. 



Sinisikap kong habulin ang bell. Late na naman ako. Kasi naman bakit ba nauso ang traffic sa Pilipinas. Malaman ko lang kung sino nakaimbento ng traffic, isusumpa ko talaga.Mukha akong tanga, noh, akala mo naman, talagang napakalayo ng bahay sa eskwelahan. Nasa gate na ako ng aming paaralan, iniisip kung anong klaseng sermon ang haharapin mula sa mga guro at sa mukhang dinosaur na principal dahil pagiging late ko, ngayon lang naman ako malalate ng 10 minuto ha (kasi noon, laging 30 minuto late ko). Kahit na medyo maliit ng paaralang ito, iilan lang ang mga sikat at kilalang estudyante. Siguro sa isang kalokohang ginawa o dahil sa sobra mong talino o dahil sa sadyang palakaibigan ka lang, at isa ako sa mga sikat na iyon. Hindi ko nga alam kung paano ako nakilala (nagtaka pa?! Vocalist kaya ako ng banda sa school, laging napipili na Mr. UN, Mr. Nutrition at kung anu-ano pang Mr. Yan, basta ako lahat iyon). Marahil ako yung tatlong binanggit ko kanina. Alam nang buong paaralan kung pumasok ako o hindi. Ako kasi ang isa sa mga pinakamaingay na estudyante sa Villegas. Ako lang ang maririnig mong kumakanta ng pagkalakas-lakas sa apat na sulok ng paaralan, basta kung saan dumapo, magco-concert ako. Nakikipagmurahan sa Corridor ng walang iniisip na may klase o may teacher na nakakarinig sa akin. Ewan ko ba. Basta ganito ako. 

Bigla ko na lang naisip, Punyeta! Martes pala ngayon, patay na naman ako kay Ma’am Garcia. Ang pangit pa naman non kapag nagagalit. Patay! Ano na naman ang dahilan ko? Nag-igib pa ako, naglinis ng bahay? Naghugas ng pinggan? Bahala na, sanay naman na ako eh. Habang tinatahak ko ang daan papunta sa computer room, biglang umalingaw-ngaw ang tunog ng cellphone ko. 


lex, late k n nman, blisn u 

glit n c yokababes. w8 kta s 

lbs ng rum. joy 2. 

Pagkabasa ko ng mensahe, nagmadali ako lalong maglakad papunta sa Second floor kung saan naroroon ang room namin. Hindi ko napapansin ang mga taong nakakasalubong ko. Basta tuloy-tuloy na lang ako. Hanggang sa makarating ako sa labas ng aming room at katulad ng inaasahan, nadoon na si Joy, ang kaklaseng kong babae na mas gwapo pa yata sa akin. 

“Ano ka ba, Alex, umuusok na ang ilong ni Maam sa galit, ikaw kaya magrereport ngayon, kasi ba naman eh bakit ngayon ka lang alam mo naman namay gagawin ka.” 

“Joy, huwag mo muna akong sermunan, kasi siguradong sandamakmak na sermon aabutin ko mamaya. So please, huwag mo na akong simulan. Pumasok na tayo ng matapos na ito.” Sabi ko sa kanya… 

Halos araw-araw, ganito ang eksenang bumubungad sa akin sa paaralan. Wala kasi akong kwentang estudyante. Hindi ko nga alam kung bakit ako pumapasa eh. Ganon talaga kapag hearthrob, talented at malakas ang charm na katulad ko. Second grading ng 3rd year, lumayas ako sa amin. Hindi ako umuwi ng limang araw sa bahay dahil sa hindi namin pagkakaunawaan ni Mama. Hay naku, ang hirap talagang magpalaki ng mga magulang. Halos dalawang buwan din hindi ko pinasukan si Ma’am Garcia dahil sa paulit-ulit kong Late at hindi pagpapagupit ng buhok. Gusto niya kasi mukha kaming mga limangpiso, yung aguinaldo cut, yuck. 

Martes noon, 7:00 am ang pasok, 7 :00 am, naglalakad pa ako papuntang school. Habang naglalakad, nagre-review ako ng mga isasagot ko sa exams namin sa geometry nang biglang may bumangga sa akin, pareho kaming natumba nang makabalik na ako sa ulirat, nakita ko ang isang babaeng parang wala sa sarili niya. Tulad ko parang nagmamadali siya. Hindi niya alintana ang ingay na dulot ng mga sasakyang nagdadaan, basta makapaglakad. Tinulungan ko siyang pulutin ang mga nalaaglag niyang gamit. Habang ang pangit ng itsura kong nakayuko at bad trip na pumupulot ng mga librong nalaglag ng isang babaeng napaka-careless at walang pakialam sa mundo, hindi sinasadyang nagkatinginan kami. Napansin ko agad ang maamo niyang mukha. Alam mo yung feeling ng biglang mawawala yung inis mo sa sitwasyon kasi parang may eraser na nagbura ng lahat ng iyon dahil sa mala-anghel na mukhang mga 5 inches lang ang layo sa akin. 

“Sorry ha, napaka careless ko!” sabi niya sa akin. 

“Ako nga ang dapat na mag-sorry, hindi ako tumitingin sa dinaraanan ko.” Sagot ko sa kanya. 

Sandaling pumalibot ang katahimikan sa amin. Napansin ko ang uniform na suot niya, taga-Villegas ito ha! Sabi ko sa sarili ko. 

“Miss, sa Villegas ka ba nag-aaral?” tanong ko sa kanya kahit obvious naman ang sagot. Muli siyang tumahimik at tumitig sa akin. Sabay ngiti. 

“Oo, bakit?” 

“Ah, wala, doon din kasi ako nag-aaral, gusto mo sabay na tayo?” tanong ko sa kanya. 

“Siyempre, alam kong doon ka nag-aarall, sino ba naman ang hindi nakakakilala sa iyo? Ok sabay tayo, pero nagmamadali ako eh, late na kasi ako” Sagot niya. 

“Ako din naman eh. Halika na.” 

Dala ko ang ilan niyang mga libro na nalaglag kanina. Pinamamasadan ko ang mukha niya habang nag-uusap kami. Kakaiba ang nararamdaman ko. Parang may importanteng papel na gagampanan sa buhay ko ang babaeng ito. Parang nangyayari sa pelikula, yung mga nakakabunggo mo sa daan, biglang magiging kaibigan mo at tapos doon magsisimula ang lahat. 

“Ano nga palang pangalan mo?” tanong ko sa kanya. 

“Anna. Nick name ko lang yon, Maria Anna Salvador ang real name ko. Ikaw, anong pangalan mo?” 

“Alexander Jonas Paulo A. Diaz . But you can call me Alex.” 

“Grabe ha, makapag-pangalan naman. Ayaw mo naman ng mahabang name.” Sabi niya sa akin habang natatawa. 

“Ikaw nga diyan eh, ang ganda ng pangalan.” 

Doon nagsimula ang aming pagkakaibigan. Noong una, parang normal lang, nagngingitian at bumabati kapag nagkakasalubong, hanggang sa mauwi kami sa pagkain ng lunch ng sabay. Nalaman kong 2nd year pa lang pala siya. At napa-wow ako ng malaman kong running for honors at nasa section 1 siya. Samantalang ako, section 1 din naman, hehehehe. Pumapasok na rin pala kami together every morning. Natutuwa ako kasi natuto na akong pumasok ng hindi late dahil sa kanya. Tinutulungan niya din ako sa pag-aayos ng mga reports and projects ko. Ganito ang buhay namin hanggang sa maging 3rd year siya at 4th year naman ako. 

Lagi kaming magkasama, inseparable kumbaga. Tambayan namin ang SM Mall of Asia. Suki kami ng Jollibee at nagsasawa na sa amin ang mga tindera sa Cora’s Tapsilog. Alam niya kung paano ako manamit, ang paraan ng aking pagsasalita at kung anong oras ako pwedeng istorbuhin. Gano’n din naman ako sa kanya. Humaba pa ang pagkakaibigan namin. Mas matatag at mas mature. 

Pero may iba, hindi ko alam kung bakit, pero gusto ko na siya ang una kong makikita sa umaga, kapag nagtext siya na hindi siya makakapasok, nalulungkot ako. Tapos lagi kong siyang pinapaalalahanan na mag-ingat palagi at kumain ng tama. Alam kong normal lang iyon dahil magkaibigan kami pero iba eh. Iba talaga. Kapag humihingi siya sa akin payo tungkol sa mga nanliligaw sa kanya, lagi kong sinisiraan yung mga lalaking iyon. Nang minsang magka-boyfriend siya, feeling ko gusto kong mambugbog ng tao. Ewan ko ba. 

“Pare. In-love ka na.” Sabi sa akin ni Marco na kabarkada ko ng sinabi ko sa kanya ang lahat ng ito. 

“Hello?! In-love? Ano yun?” sabi ko. 


“Pare, huwag mong lokohin ang sarili mo, ang pag-ibig, habang kinikimkim, lalong nag-aalab. Sige ka, kapag hindi ka pa naging totoo sa nararamdaman mo, mawawala iyan.” Sabi pa niya. 

“Eh, hindi ko nga sigurado kung ano itong nararamdaman ko eh, anong aaminin ko?” tanong ko. 

“Alexander, alam kong alam mo kung ano ang sinasabi ko. Oh sige ito na lang sa JS Prom. Imbitahin mo siya na maging date mo tapos, magtapat ka.” Hamon sa akin ni Marco. 

JS Prom? Kung i-try ko kaya? May mawawala kaya? Matanggap kaya niya ako? 

“Sige, call. Subukan natin, baka makalusot.” Sabi ko. 

Hindi ako makapag-concentrate sa lessons nung araw na iyon. Ng-iisip ako ng sasabihin, iniisip ko kung ano ang dapat kong sabihin sa kanya. Mahal ko ba talaga siya? In-love na ba talaga ako? Ewan ko, hindi ko pa naranasang ma-in-love eh. 


Umaga noon, hinhintay ko siya sa kanta kung saan kami laging nagkikita, hindi talaga ko mapakali. Nakakabad-trip ang ganito. Nakita ko na siya patakbong lumalapit. 

“Sorry ha, ngayon lang ako nakarating. Kanina ka pa ba?” tanong niya. 

“Hindi, okay lang.” 

“Grabe, tinapos ko kasi iyong assignments ko eh, kaya nalate ako.” 

“Ahh, ehh, Anna, may sasabihin sana ako eh, nakakahiya.” 

“ikaw? Nahihiya? Bago yata iyon? Ano bang sasabihin mo ?” tanong niya. 

“Pwede ka bang maimbitahan na maging date sa prom?” 

“ah… eh… sige. Okay lang. Ikaw ang date ko. May importante din naman akong sasabihin sa iyo eh.” Sabi niya. 

Binilang ko ang araw mga araw. Hindi na ako mapakali, hindi ko na alam ang gagawin ko. Talong linggo, hanggang sa maging isa na lang. 5 araw, tatlo…. dalawa…. at ito na. Prom na bukas. Kailangan ko na talaga itong harapin, wala na itong atrasan. 

Maaga akong gumising ng araw na iyon, since Saturday naman, pwedeng magbasketball muna. Mga 6 am palang noon, lumabas ako ng bahay, gusto kong maglaro pero parang there is something inside me na pumipigil sa akin. Parang hindi ako pwedeng mapagod ngayong araw na ito. Grabe, nakakakaba at nakaka-tense. Ngayon lang ako nakaranas ng ganitong kaba. Pagkatapos kong marealize na nakatayo pala ako sa court ng mag-isa at wala sa sarili, umuwi na lang ako, kumain at nagcomputer. Haiszt, grabe talaga. Wala ako sa mood. Ilang beses din akong natalo sa kalaban ko sa Rakion. Parang nawawala ng yung titolo ko na “scaredbyothers”dahil natatalo ako, may nagpi-PM nga sa akin na ao daw bang nangyayari sa akin dahil parang lagi ata akong talo ngayon. Pero wala akong sinagot kahit isa doon. Nag-log-out na ako at naligo. Pagkaligo ay TV naman ang hinarap, lahat na ata ng bagay sa loob ng bahay namin, damay sa pagkalito, pagka-tense at pagka-moody ko ngayong araw na ito. Sandali na lang at haharapin ko na siya, ilang oras na lang at sasabihin ko na ang tunay na nararamdaman ng puso kong lito na. 

Nang pumatak ang alas-kwatro, ok na ako, nakabihis ng tuxedo na pinadala pa ng tita ko from australia. Pero matagal na iyon, ngayon ko nalang uli naisuot. Hindi talaga ako mapakali, ang tagal ko sa salamin bago ako nag-desisyon kung anong magiging itsura ko. Umalis na ako ng bahay na parang hindi alam kung saan pupunta, hindi ko alam kung anong gagawin ko. Naghintay ako sa kanto kung saan napag-usapan namin ni Anna na magkikita. Habang naghihintay, nakaita ko na ang ilan sa mga kaklase ko, kaibigan at kailala na aattend din ng Prom. Lalo akong kinabahan. 5:30 na. Wala pa siya. Pag-talikod ko ay nakita kong papalapit ang isang napakagandang prinsesa. Ang ganda talaga niya. Naka-pink na gown na bagay-bagay sa kanyang maputing balat, nakaayos ang buhok na parang prinsesa talaga ang dating. Nakatitig ako sa kanya habang papalapit sa akin ang babaeng ito. Nawala ako sa pananaginip ng gising ng biglang may pamilyar na boses ang nagsalita. 

“Alex, sorry ha, late na naman ako.” Sabi sa akin ni Anna. Bigla akong bumalik sa katinuan at sinasabing hindi naman ako naghintay ng matagal kahit halos isang oras na akong nakatayo doon. “Let’s go.” Sabi niya at naglakad na kami papuntang eskwelahan. Sa itsura niya ngayong gabi ay parang lalo akong nahirapan na magtapat. Parang gusto ko nang umatras pero hindi pwede, matagal-tagal din akong hindi nakatulog ng maayos para maghanda lamang para sa gabing ito tapos ganun-ganon na lang na aatras ako. 


“Ang ganda mo tonight.” Sabi niya sa akin habang nakahawak siya sa mga braso ko nang naglalakad. Nagulat ako dahil binatukan niya ako. 

“Ganda ka diyan. Ewan ko sa iyo. Pero in fairness ha, bagay sa iyo ang suit mo, lalo kang gumwapo.” Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko. Grabe na ito. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Nakarating na kami sa rooftop ng aming building kung saan gaganapin ang programa. Grabe talaga itong nararamdaman ko. Iba. Hidni pa kaagad nagsimula ang program pagdating namin, naghihintay pa nung ibang estudyante. Tumayo ako upang makakuha ng maiinom. Tamang-tamang pagbalik ko, nagsalita ang emcee. 

“Welcome, ladies and gentlemen. In a few moments, our program will formaly start. Just seat back and relax. We will call your attention once again when everything is ready.” 

“Kumusta ka naman?” tanong ko kay Anna. 

“Okay lang naman, para namang hindi tayo nagkikita at nag-uusap.” Sabi niya sa akin. Oo nga naman, napaka-foolish namang pakinggan at isipin na lagi nga kaming magkasama tapos tinatanong ko siya kung kumusta na siya. 

Muling nagsalita ang Emcee pagkatapos noon. “Again, my dear friends, schoolmates, teachers, school administrators and visitors, welcome to our Junior Senior Prom 2006! The official ball opening will start immediately after this, so find your partner and dance with them and move to the dance floor.” Pagkatapos ay nawala siya sa stage, nagdilim hanggang sa kakaunting ilaw na lang ang natira at nagpatugtog ng isang awit. Isa-isa ng lumapit ang mga estudyante at mga guro sa open space na ginawa sa gitna ng mga lamesa para pagsayawan. Kinakabahan ako. muli kong ibinaling kay Anna ang aking atensyon at inaya siyang sumayaw. 

“Tara, sayaw tayo.” Sabi ko 

“Ok.” Tumayo kaming dalawa at nakisali sa mga sumasayaw. Inilagay niya ang kanyang kamay palibot sa aking leeg at ako naman ay humawak sa baywang niya. Grabe! Ganito pala feeling ng kasayaw mo ang mahal mo… pero hindi ko muna iyong inisip, mayroon akong misyong dapat gampanan. Habang sumasayaw kami, naisip ko na ito na ang tamang pagkakataon. Masasabi ko na rin sa kanya ng matagal ko nang nararamdaman, maihahayag ko na rin ang matagal ko ng kinikimkim. 

“Anna, may sasabihin sana ako sa iyo…” pagsisimula ko. Tumingin siya sa kin tanda ng atensyonna ibinigay niya. “Hindi ko alam kung paano ko sisimulan. Pero alam kong ngayon ang tamang pagkakataon para sabihin sa iyo…” Natigilan ako. Nag-isip. Huminga ng malalim at nagsalita. “Mahal kita. Matagal na ito. Alam kong hindi lang bestfriend ang tingin ko sa iyo. I know that i love you. Natatakot ako sa pwedeng mangyari kapag sinabi ko sa iyo. Ayaw kong mawala ka sa akin. Ayaw kong mawala ang pagkakaibigang binuo nati pero naisip ko na kailan ko aaminin sa iyo? Kapag huli na ang lahat? Kapag hindi na pwedeng mahalin mo ako? kaya heto, sinabi ko sa iyo.” Natahimik siya. Nakatingin sa akin. Alam kong naguguluhan siya. Muli akong nagsalita. 

“I am not asking you to love me in return, I just want you to know how I feel about you.” Pagkasabi nito. Nangilid ang luha sa mga mata niya. Huwag! Please don’t cry! Pero huli na ang lahat. Tuluyan ng kumawala ang mga luha niya at sa nagsalita na rin siya sa wakas. 

“Nakakainis ka!” Galita ang boses niya. Ramdam ko ang bawat emosyong nakapaloob sa bawat salitang iyon. “Alam mo bang mahal din kita?! Pero pakiramdam ko ay ayaw mo sa akin at hanggang kaibigan lang ang tingin mo sa akin. Minahal kita ng lihim, nagpaparamdam at nagpapansin, pero pakiramdam ko, wala lang iyon sa iyo. Bakit ngayon ka pa nagsabi? Ngayon pa na nakapag-move-on na ako at nakumbinsi na ang sarili na hanggang kabigan lang talaga ako sa iyo? Ngayon pa na may iba na akong mahal!!!” gumuho ang daigdig ko sa mga oras na iyon. Mga sandaling nais kong burahin sa aking alaala… sa aking buong pagkatao. Gusto kong suntukin ang sarili ko at saktan hanggang sa maglumpasay ako sa lupa. Gusto kong iumpog ang sarili ko sa pinakamalapit na pader at sabihing ang tanga-tanga ko. Nang malunok ko na ang lahat ng sinabi niya, muli akong nagsalita. Naiiyak na rin ako sa mga sandaling ito. 

“Bakit ka pumayag na makipagpartner sa akin sa JS kung iba na pala ang mahal mo? Sino ba siya?” 

“Si Marco.” Lalo akong nagiba ng marinig ang pangalan ng taong iyon. “Kaya pala sinabi niya sa akin na kapag inaya mo ako para makapartner mo ay pumayag ako dahil hindi siya makakapunta. Alam kong alam niya ang nararamdaman mo para sa akin kaya niya ito ginawa. Para magkalinawagan tayo.” Bigla ko tuloy naaalala na si Marco ang nag-suggest na ayain ko si Anna sa JS. Ano kayang naramdaman ni Marco nung mga sandaling iyon? Nais kong tumakbo at hindi na tumingin pabalik. Nais kong umalis. Ayoko nang ganito. 

Umalis ako. Iniwanan ko siya. Umalis akong masakit ang nararamdaman. Tumakbo ako palayo. Naririnig ko ang tawag ni Anna na humahabol sa akin sa hallway ng paaralan. Gusto ko na siyang kalimutan. Gusto kong iwan ang bahagi na ito ng buhay ko. Masakit. Pero inisip ko na lang na may ibang nais ang Diyos sa akin… 

Labindalawang taon na rin ang lumipas mula noong ako ay magtapos ng high school. Iba ang naging buhay ko sa loob ng labindalawang taon na iyon na ginugol ko para buuin ang bagong Alex. 

Muli akong bumalik sa aming lugar. Marami ng pagbabago sa mga bahay, sa mga tao at sa paligid. Handa na akong harapin muli ang buhay na iniwan ko noon pero sa ibang paraan. 

Pumunta na ako sa aking bagong tirahan. Nag-isip-isip. Inayos ko ang aking mga gamit at inilagay sa kanilang mga lagayan. Sa ilalim ng maletang dala ko ay nakita ko ang isang album. Ito yung album ko noong high school pa ako. dahan-dahan kong binuksan ang mga pahina nito at hindi maiwasang mapaluha sa mga alaalang naging bahagi na ng buhay ko. Patuloy kong tintingnan ang mga larawan hanggang sa makarating ako sa bahagi na mayroon akong kasamang babae. Masayang masaya kami. Kumakain kami noon ng ice cream at nakaakbay siya sa akin. Lalong umagos ang aking luha. Ang babaeng ito ang bahagi ng buhay ko na nagturo sa akin ng isang malaking aral… “it does not mean that you love somebody, you are destined to be with each other.” 

Nagtungo ako sa simbahan. Importante sa akin ang araw na iyon. Una, dahil sa araw na ito ay magsisimula ang bago kong misyon, pangalawa, ito rin ang unang araw na makikita kong muli ang mga kaibigan ko. Sumilip ako mula sa pintuan ng sacristy at tiningnan ang napakaraming tao. Ang dami-dami talaga. Nagsalita na ang commentator hudyat na magsisimula na. 

“Magandang umaga po sa inyong lahat. Napakahalaga po para sa atin ng araw na ito. Ang bawat tao ay tinawag ng Diyos upang maglingkod sa kanya. Marami sa atin ang pinipili na maging ina o ama ng tahanan. Marami naman sa atin ang nanatiling walang kabiyak at namumuhay ng banal at may mga tinawag din at pinili upang maging isang pari. Ang maglingkod sa Diyos at sa kanyang piniling bayan. Ngayon po ay ating masasaksihan ang kauna-unahang pagdiriwang ng Banal na Misa ng noon ay isang simpleng estudyante, kabigan, anak at kabataan. Mga kaibigan, tumayo po tayong lahat, salubungin ang magdiriwang ng ating misa, si Fr. Alexander Jonas Paulo A. Diaz, at sumabay tayo sa pambungad na awit.” 

Ang sarap ng pakiramdam ko nang mga sandaling iyon. Naglalakad ako sa gitna nilang lahat. Hindi ko maitago ang saya at tuwa. Ito ang buhay na pinili ng Diyos para kalagyan ko. Habang tinutungo ko ang altar, napansin ko ang mga taong naging bahagi ng buhay ko noong kabataan ko pa lang. Siyempre si Mama at ang mga kapatid ko. Si Maam Garcia na buhay pa rin hanggang ngayon. Ang mga kalaro ko noon sa basketball na may mga pamilya na ngayon. Ang mga kaklase ko at mga kaibigan. Nagsimula akong magmisa at bago ito matapos, nagsalita muna ako ng pasasalamat. 

“Magandang umaga po muli sa inyong lahat. Ako po ay isang simpleng kabataan lang noon. Pasaway sa eskwelahan. Ayaw magpagupit ng buhok, palaging late pumapasok at absent din madalas.” Napatingin ako sa lugar ng mga kaklase ko na mag tumatawa naman ng bahagya. “Nagmahal din po ako noon ng isang babae na normal lang siguro sa edad ko noon. At babaeng ito ang naging daan upang maisakatuparan ng Diyos ang mga plano niya para sa akin. Masakit po noon na ang minahal niya t pinili ay ang bestfriend ko din. Pero kung hindi dahil doon, hindi ko maiisip na ako pala ay tinawag ng Diyos sa ibang paraan ng buhay. Nangarap po ako noon na maging ama ng tahanan, pero higit pa po sa tahanan ang ibinigay niya sa akin, ngayon po, ako ay naatasan ng ating Obispo na maging ama ninyong lahat. Tama po, ako po ay pinili na maging Kura paroko ninyo ngayon dito sa ating parokya.” Pagkasabi nito, nagpalakpakan ang lahat. Masayang masaya ako. pagkatapos ay muli silang tumahimik at naghintay ng paggagawad ng aking unang pagbabasbas sa kanila. 

“Sumainyo ang Panginoon.” 

“At sumainyo rin.” Sagot ng mga tao. 

“At pagpalain kayo ng makapangyarihang Diyos, Ama, Anak at Espiritu Santo.” At muling sumagot ang mga tao. “Amen.” 

Pagkataposng paghayo ay umalis na ako ng altar upang salubungin ang mga kaibigang naghihintay. Kaway, mano, batian, kumustahan ang naganap noon. Hanggang sa dalawang tao na lamang ang naroon na may kasaamng isang maliit na bata. 

“Congratulations!” sabi noong lalaki na nagmano sa akin at siyang may karga sa bata. “hay, sino ba namang mag-aakala ang bestfriend kong ito.” 

“Ano ka ba naman,Marco, kapag Diyos na ang may gusto, wala na tayong kawala. Kumusta na Anna?” 

“Ok lang naman. Ikaw, kumusta ka na?” nagmano din si Anna sa akin. Ang awkward ng pakiramdam pero ayos lang, dapat na akong masanay. 

“Heto, masayang masaya. Binyagan na ba itong anak ninyo? Anong pangalan niya?” 

Si Marco ang tumugon. “Alexander Jonas Paulo.” Nagulat ako. pangalan ko talaga iyon? 

“bakit naman ipinangalan ninyo sa akin? Dapat sa inyong dalawa na lang.” 

“Nag-isip kami ng matagal bago kami nagdecide na ipangalan sa iyo ang bata. Malaki kasi ang kasalanan namin sa iyo, pero bilang pambayad-utang, naisipan namin na ang una naming anak ay ipapangalan namin sa iyo.” Paliwanag ni Anna. Parang nais kong umiyak ulit. 

“Matagal ko na kayong pinatawad. Masaya ako para sa inyo. Sana ay basbasan ng Diyos ang inyong pagsasama.” At niyakap nila akong dalawa. 



Ang saya-saya ko talaga. Akala ko, puro sad ending lang ang mga kwentong kaya kong isulat, hindi pala. Natutunan ko naang buhay ay may kasama din palang saya at hindi lang puro hirap at problema. Lagi kong sinasabi na hindi mo mararanasan ang sarap ng pagtayo kapag hindi mo naranasan ang sakit ng pagkakadapa. Bahagi na ng buhay ng tao ang makasakit at masaktan, pero sa kabila nito ay may ligaya, pagpapatawad at pag-ibig. Si Alex ay isa lamang sa mga napakaraming tao na dumanas, dumaranas at daranas pa ng mga pagsubok at sakit sa buhay. Pero inisip niya na ito bahagi ng plano ng Diyos. Hindi naman nangako ang Diyos ng maganda at puro kasiyahang buhay, pero nangako Siya na sasamahan ka sa bawat hakbang nito. Salamat sa pagbabasa at sana ay nakapulutan ninyo na aral ang kwentong ito. 

No comments:

Post a Comment