Thursday, November 25, 2010

TEACHER AKO (Isang pagkilala sa mga guro)

Meron akong kwento.

May limang tao na sabay-sabay namatay. Pumila sila sa pintuan ng langit kung saan, isa-isa silang dadaan sa tanggapan ni San Pedro.


Lumapit ang una sa kanila. Tinanong s’ya ni San Pedro, “Anong nagawa mo sa lupa nung nabubuhay ka pa?”

“Isa akong doctor,” aniya. “Gumagamot ako ng libre sa mga mahihirap.”

“Magaling. Halika at pumasok sa kaharian ng Langit.” Sabi sa kanya ng kausap sabay bukas ng pintuan.  Lumapit ang ikalawa at tinanong ng tulad ng sa nauna.

“Isa akong inhinyero, tumutulong akong magtayo ng mga bahay, gusali at iba pang istruktura.” tugon nito. Pagsabi nito’y pinapasok din siya ni San Pedro sa langit, siya namang paglapit ng ikatlo sa nakapila.

“Anong nagawa mo sa lupa?” tanong ng apostol.

“Isa akong abogado. Ipinagtatanggol ko ang mga walang kasalanan.” At siya ay pinapasok ng kausap.

Sabi ng ikapat, “Ako ay isang pulis. Naging mabuti akong alagad ng batas at nagging tapat sa aking tungkulin.” Yun lang at siya ay pinapasok na din.

Sa huli, lumapit ang isang matandang babae. Paglapit nya kay San Pedro, tinanong sya nito.

“Ikaw, anong nagawa mo sa lupa?”

Sumagot ang matanda, “Isa po akong guro, at naging estudyante ko po yung apat na nauna sa akin.”

___________________________________________


A teacher affects eternity. No one can tell where his influence stops.

Ako ay anak ng dalawang guro. Alam ko at ramdam ko kung ano ang hirap at sakripisyo ng isang guro, lalo na ng mama ko. Maagang maaga aalis ng bahay, uuwi ng gabi, iyong ipapahinga, igagawa pa ng lesson plan. Minsan, naging family bonding na namin ang pagche-check ng papel ng mga estudyante nya. Sa sobrang dami, tumutulong na kaming magkakapatid.

Teaching is forever. Iyan ang nakalagay sa isang t-shirt ng papa ko. Noong una, wala lang iyon sa akin. Di ko pa naman alam ang ibig sabihin at ni sa pangarap, hindi pumasok sa isip ko na gugustuhin ko ring tahakin ang landas na katulad ng sa kanila. Teaching is forever. Ibig sabihin, habang buhay magche-chenck ng papel ang mama ko? Ibig sabihin, kapag natapos ako sa kurso ko ngayon, habang buhay di akong mangungunsume sa mga makukulit na estudyante?

Para sa akin, ang pagbabahagi ng kaalaman mo at ng mga karanasan mo upang makatulong sa pag-unlad ng iba ay isang sagradong gawain. Kapag teacher ka at nasa harap ng mga estudyante, kailangan mong kalimutan ang sarili mo. Kahit na malungkot ka, kailangan mong ngumiti para hindi naman maging mahirap para sa mga estudyante mo ang pag-aaral. Kahit na pagod na pagod ka na, kailangan mo maging buhay at masaya sa mga bata. Lahat yan kailangan gawin dahil isa kang guro.

Marami na akong naging guro. Maraming marami. May masungit, mabait, mataray, matanda, bata, sexy, matalino, nagbabasa lang ng lesson, namamalo ng patpat sa kamay, nagpapatayo sa labas ng classroom, nang-uuka ng buhok kapag di nagpagupit, magaling sa math, sisiw ang science, nagpipilit na bumili kami sa tray, nagbebenta ng stick-o at marami pang iba. Pero ngayon ko lang nalaman, pati pala yung barber sa amin, nagging teacher ko, yung basurero, yung batang laging nanghihingi ng piso, yung janitor sa school namin, yung tindera sa amin, lahat sila naging guro ko. Lahat tayo ay maaaring maging guro.

Gusto kong bumalik sa mga dati kong eskwelahan. Gusto kong pasalamatan ang lahat ng naging guro na kahit kulang sa sahod at puro kunsumisyon eh patuloy na tumutupad sa kanilang tungkulin na humubog ng mga kabataang babago at bubuo ng bagong mundo. Darating ang panahon na makakatapos ako, utang na loob ko lahat ito sa kanila.

Sa aking mga naging guro, sa Gen. Vicente Lim Elementary School na kumupkop sa aking mga inosenteng isipan. Sa Paco Catholic School, Lakandula High School at Antonio J. Villegs Vocational High School na siyang mga naging tahanan ng aking kabataan, sa Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology na una kong pinasukan sa kolehiyo at sa Pamantasan ng Montalban na siyang humuhubog sa aking kinabukasan ngayon at takbuhan ng aking mahinang sarili. Salamat sa inyong lahat. Salamat sa lahat lahat. Hinding hindi ko kayo makakalimutan.

AKO AY ISANG GURO.

No comments:

Post a Comment